Thursday, September 13, 2012

OPM: Buhayin ang Musikang Pilipino. Goodluck na lang!

Wala na bang bagong tunog diyan?

Maaaring nasabi ko na sa aking unang article na may titulong "Ang OPM at Kung Bakit Mahina ito Ngayon" ang mga sasabihin ko sa article na ito. Ngunit gusto ko lang tuligsain itong mga nakikita kong komersyal sa telebisyon. Itong tinatawag na Tanduay Rock Fest o ano pa man. Parang sinasabi ng komersyal na ito na muli nilang bubuhayin ang musikong Pilipino. Sa tuwing maririnig ko ito, natatawa na lang ako dahil halos imposible o mahirap na mangyari yoon. Bakit ko nasabi? Dahil sa mga sumusunod na dahilan:

Walang Pagbabago
Pansinin ninyo ang mga sikat na kanta noong 1990's. Diba ito yung panahon ng Eraserheads? Ito yung panahon kung saan dinomina ng mga banda ang OPM at kung saan ang uso din sa ibang bansa ay ang mga banda/boyband. Ngayon, pansinin niyo naman kung anong mga uri ng musika ang patuloy na ginagawa ng mga musikerong Pilipino. Pagkatapos ay ikumpara niyo ito sa musika na ginagawa ng mga dayuhan. Napakalaki ng pagkakaiba diba?

Ang punto ko dito e sawa na ang karamihan ng mga Pilipino sa tunog ng gitara. Sawa na sila sa mga  4/4 beat. Pero heto padin ang mga musikerong Pilipino, patuloy na ipinipilit ang mga musikang ito sa atin kahit isinusuka na ito ng karamihan. Sa panahon ngayon, ang tanging nakikita ko lang na pag-asa ng OPM ay ang mga sumusunod:


  • Up Dharma Down- Magaling na banda. Malinis tumugtog at ang mga musikang nililikha nila ay talagang kakaiba kesa sa mga pangkaraniwang banda.
  • SomeDayDream - Makabago ang kanyang genre. Bigyan nating ang batang ito ng ilang taon para mapaghusayan ang kanyang genre at sa tingin ko ay siya ang magdadala ng musikang Pilipino.
  • Urbandub - Sa aking opinyon ay sila ang numero uno sa mga rock bands ngayon. Dahil ang style nila ay progressive at mahusay. Hindi katulad ng iba na basta na lang gumagawa ng kanta at sisimulan ito ng "oh oh oh oh, oh oh oh oh". Parang kantang hindi pinag-isipan.
  • Tanya Markova - Nakakainis isipin na hindi nakikita ng mga tao ang talento ng bandang ito. Kakaiba ang kanilang genre, energetic at higit sa lahat masaya ang tono ng kanilang mga kanta.
  • Franco - Sayang dahil sila ay nagdisband na. Ako'y talagang humanga sa bandang ito dahil sa kanilang all-star cast.
Conspiracy Theory
Ito ay sa palagay ko lang naman. Hindi ko lubos maisip kung bakit hanggang ngayon ay ang mga numero uno padin sa mga hit charts ay kabaduyan. Siguro dahil talagang baduy ang mga Pilipino o di kaya naman ay kontrolado ng mga nagpapatakbo ng mga hit charts ang mga kanta at hindi naman talaga nila tina-tally ang boto ng mga tao.

PaVirgin
Pagpasensiyahan niyo ang termino na ginamit ko ngunit wala akong maisip na ibang salita para mai-describe ang mga sumusunod

'Yan ang masasabi ko sa OPM. Dahil ang musika sa buong mundo ay nagbago na. Mas agresibo na ang mga salita sa kanta, makabago na ang mga tunog at higit sa lahat, malulupit ang mga ito. E ang OPM ba? Ganun padin, konserbatibo, lousy at nakakasawa. Minsan tuloy parang gusto kong sisihin si Mr. Ryan Cayabyab. Dahil kapag titingnan mo ay parang siya ang leader ng OPM movement. Meron siyang mga patimpalak na magpapasikat sa mga magagaling na artist. Ang problema lang ay ang mga nananalo sa mga patimpalak na ito ay pare-parehas ang tunog ng musika sa iba pang musikero kaya hindi sila nagii-standout. Pero hindi ko naman talaga pwedeng sisihin si Mr. C dahil wala naman akong pruweba na siya talaga ang may kasalanan ng lahat ng ito.

Bias na Audience
Bago kayo umalma, sagutin niyo muna kung bakit nanalo sina Jovit Baldivino at Marcelito Pomoy? Kasi mahirap sila at kailangan nila ng tulong. Oo talentado sila ngunit nasaan na sila ngayon? Ang huling narinig ko ay si Jovit na kumakanta ng theme song na nakakairita sa tenga. Ang punto ko e, dahil sa kanilang kahirapan sa buhay ay nanalo sila ngunit sa totoo ang genre nila ay hindi naman talaga papatok sa madla. Kaya parang walang kwenta din ang mga patimpalak na ito dahil hindi naman talaga sumisikat ang mga nananalo. 

Pumupusta ako na kung marami ang networks dito sa Pilipinas ay hindi nakilala ang mga yan dahil mas madami ang competition. Sumikat sila dahil monopolized lang ng tatlong malalaking networks ang Pilipinas. Masakit tangappin pero totoo.

Bilang pagtatapos, ako ay nagsasaad lamang ng aking opinyon kung ano ang tingin ko sa OPM. Dahil sa palagay ko maraming tao na ang walang pakialam dito. Ako mismo ay halos hindi na nakikinig ng OPM ngunit ako ay may pakialam dahil dati akong nakinig ng OPM at ako ay Pilipino kaya't gusto ko rin namang makasabay ito sa musika ng mundo ngayon.

Ngunit kung patuloy na ganyan ang mangyayari, kung saan patuloy na ipipilit ng mga musikerong Pilipino ang mga nakakasawang tugtugin nila, e goodluck na lang sa inyo! At kung sakali man na mabuhay muli ang musikang Pilipino, edi congrats!

Monday, September 10, 2012

Gangnam Style, KPop na naman!

Kilala niyo ba kung sino itong nasa picture sa kaliwa? Kung hindi ay maaaring nalipasan ka na ng sibilisasyon. Ang nasa picture ay si "Psy". Isang Kpop artist na ngayon ay sobrang sikat sa Amerika. Bakit? Simple, dahil sa kantang "Gangnam Style". Marahil ay nagtataka ka kung bakit sisikat ang isang Koreano sa Amerika. Isa lang ang maipapayo ko sa iyo, panuorin mo ang music video ng kantang ito.Youtube - Gangnam Style.

Sa ngayon, ang music video na ito ay mayroon nang mahigit 130 milyon views. Kung hindi ka pa naman maiintriga ay ewan ko na kung anong uri ng utak ang meron ka.

Ngayon, dumako tayo sa aking opinyon kung bakit sumikat ng ganito ang isang kanta na hindi naman naiintindihan ng nakakarami (pwera na lang kung nakaka-intindi ka ng Koreano).


Humor
Kapag nabigyan mo ako ng iba pang music video kung saan makikita na sinisigawan ang pwet ng isang babae, ay bubuharin ko ang topic na ito. Ang larawang ito ay isa sa mga eksena sa naturang music video. Higit sa lahat, isa lang ito sa napakaraming eksenang puno ng katatawanan. Ayoko na mag-post pa ng mga pictures dahil baka matawag ako na "spoiler".



Makulay
Ng una kong mapanood ang music video nito, ako'y napaisip kung mayroon talagang lugar kung saan sobrang gaganda ng kagamitan at kapaligiran. Napakakukulay at napakalilinis. Kung ganto lamang ang sitwasyon sa tunay na buhay e siguradong napakasarap ng buhay. Ayon kay Psy, ang istorya ng kanta ay tungkol sa isang lalaki na sinasabi sa lahat na siya ay may "Gangnam Style" (ang Gangnam ay isa sa pinakamayamang distrito sa Korea). Ngunit sa totoo ay hindi naman at pinipilit niya lang ito. Dito sa Pilipinas, ang tawag sa mga ganoong tao ay "trying hard" o kaya naman ay "social climber".


Kakaibang Sayaw
May hamon ako sa inyo, mag-isip kayo ng ibang KPop artists na gagawa ng ganitong klaseng dance moves. Wala kayong maisip diba? Hindi ako nagtataka, dahil ang karamihan sa kanila ay papogi, paganda at pacute kaya hindi sila papayag na maging mukang tanga. Ngunit heto si Psy, handang isugal ang lahat kahit na magmukhang tanga pa siya. Ang resulta? World wide success! Marahil nagtataka ang ibang KPop artists ngayon dahil nagpakahirap sila para pumogi at gumanda ngunit sa huli ay isang chubby na Koreanong rapper pala ang unang makaka-break sa barrier ng  Hollywood.


Appeal sa mga Pilipinong Fans

Hindi porke naging world-wide phenomenon ang Gangnam Style ay mabenta ito sa lahat. Dito na lamang sa Pilipinas. Oo, viral din siya ngunit hindi kagaya sa ibang bansa kung saan halos lahat ng tao roon ay nagustuhan ang kantang ito.

Iba ang sitwasyon dito sa Pilipinas. Na-obserbahan ko ito ng sumubaybay ako sa M.I.T. 20 ng MYX. Nagtaka ako kung bakit wala ang Gangnam Style sa listahan e sobrang sikat nito buong mundo. Nang makarating yung countdown sa top 5, napansin ko na mayroon mga KPop group na Super Junior at 2NE1. Doon pumasok sa isip ko na marahil "hate" ng ibang Pilipino si Psy at ang kanyang Gangnam Style. Bakit? Dahil nasapawan nito ang kanilang mga idol na Super Junior at 2NE1.

Isa pang rason ay dahil hindi prototypical na KPop artist si Psy. Hindi siya kagwapuhan at hindi din siya fit. Aminin na natin na tayong mga Pilipino ay gustong makakita ng magaganda't pogi, lalo na kung dayuhan ito. Wala akong galit sa mga ibang KPop artists, sa totoo lang dati ay nakikinig din ako ng Girls Generation dahil sobrang cute at sexy nila. Oo nga pala, sakit ko din ang pag-gusto sa mga dayuhang kagandahan. May fetish ako sa blondes e.

Ang balita ngayon ay si Psy ay nasa Amerika na at pumirma na ng kontrata sa manager ni Justin Bieber. Isa itong magandang senyales para kay Psy dahil ngayon, hindi niya na kailangang magpagod sa pagpo-produce ng kanyang mga kanta dahil ang production team na ang bahala doon. Mas makakapag-concentrate na siya sa pagsulat ng mga kwela at nakakatuwang ideya.


Aba! Teka, Sandali.

Kumusta aking mga katoto? Ako'y muling nagbabalik dahil ako'y ginanahan ng aking makita na ang blog ko ay napakaraming views kahit wala na akong panibagong isinusulat. Maraming salamat sa pagbisita mga katoto. Simula ngayon ay susubukan kong ibigay ang lahat para sa inyo aking mga katoto.

Ang mga sumusunod ay ang aking mga isusulat sa dako paroon. Asahan ninyo na sa aking pagbabalik ay mas higit kong tutuligsain ang mga parte ng kulturang Pilipino na hindi ko nagugustuhan.

1. Gangnam Style, KPop na naman!

2. OPM: Buhayin ang musikang Pilipino. Goodluck na lang!

3. Ang Mitolohiyang Pilipino: Kapre, Manananggal, Tiyanak atpb.

4. Opinyon Kung Bakit Hindi Na Umunlad Ang Bansang Pilipinas

5. Ang Showbiz, Bow!

6. Opinyon Patungkol sa mga Prat

at marami pang iba. Sana'y patuloy kayong tumangkilik sa Filipinong Totoo. Salamat!

Thursday, May 31, 2012

It's More Fun In The Philippines Ba Talaga?



Ito'y isang video ng lalaki na nagsasabi na hindi bagay ang slogan na "It's More Fun in the Philippines" Para sa Pilipinas. At mayroon siyang mga dahilan kung bakit. Hindi ko na iisa-isahin ang mga ito. Panuorin niyo na lang ang video at magkomento kung gusto niyo. Sang-ayon ba kayo o hindi?

Tuesday, May 29, 2012

ChurpChurp: Earn money in a simple way

Churp Churp I've just discovered this website that offers money. All you nned to do is to go to thi website, sign up and share a bunch of stuff through your social media. Pretty much like this what Im doing right now. So what are you waiting for? Click on the link now!

Ang OPM at Kung Bakit Mahina Ito Ngayon


Sa panahon ngayon, masasabi na ang industriya ng musika sa Pilipinas ay naghihina. Maraming dahilan kung bakit nangyayari ito. Hindi ko na ito papahabain, didiretsuhin na natin amg mga bagay kung bakit nararanasan ng OPM ito ngayon. 

Noong 90's ang uso a mga banda, umuso sa buong mundo ang mga bandang tulad ng oasis, matchbox 20 atbp. banda na kinagiliwan ng halos lahat ng tao sa buong mundo. Kung kaya't nauso din sa Pilipinas ang mga banda tulad ng Eraserheads, Parokyna ni Edgar atbp. Sa tignin ng mga Filipino, ang mga bandang ito ay ang sariling bersyon ng Pilipinas ng mga bandang oasis, matchbox 20 atbp. 

Dumako tayo sa panahon ngayon, ano na ang uso sa mundo? Karamihan sa sumisikat ngayon ay dance, techno, rnb music. Pinangungunahan ito nila Katy Perry, Lady Gaga atbp. 

Ngunit, tingnan natin kung anong musika ang nililikha ng mga musikerong Pilipino ngayon. Katulad padin noong musika noong 90's. Masasabi na sa mahigit 20 taon ay naging 'stagnant' ang musikong Pilipino. Puro banda, ballad at novelty songs ang mga musikang sumisikat dito sa Pilipinas. Ang tanging mga musikero lang na nakakasabay sa ebolusyon na ito ay kakaunti. Isa na dito si SomeDayDream. Mayroon pang ibang kaparehas ng genre ni SomeDayDream ngunit hindi ito nabibigyan ng pansin. 


Tingnan na lang natin ang Korea, dati ay hindi naman malakas ang industriya nila pagdating sa musika. Ngunit ngayon, nakakasabay na sila at mas tinatangkilik pa ng mga Filipino ang mga kanta nila. Isang dahilan ay dahil ang tunog ng tinatawag na kpop ay makabago at nasa uso. Ito ang gustong marinig ng mga tao, bago at magandang pakinggan at nakakaindak. Kahit na hindi naiintindihan ang liriko sa mga kantang ito ay tuloy tuloy padin ang pagsikat ng mga kpop groups. Kaya kapag kinumpara ang OPM sa kpop, halos walang dating ang OPM. Ito ay dahil sa paulit ulit na tema ng mga kanta.

Ilan lang sa mga musikerong Filipino ang sumusubok magsulat ng mga kantang hindi tungkol sa Pag-ibig. Isa na dito si Gloc9. 

Bilang konklusyon, kailangang makasabay ng OPM sa ebolusyong nangyayari sa musika. Dahil kung hindi ito mangyayari, kung hindi gagamit ang mga musikerong Pilipino ng makabagong teknolohiya para gumawa ng musika ay walang mangyayari sa OPM. Patuloy lang ito na magiging stagnant. 

Marami man ang magsabi na ang pagamit ng teknolohiya tulad ng auto tune ay kahihiyan sa pagawa ng musika, ang auto tune ay narito at mananatili dahil ito ang gusto ng tao. Hindi maiiwasan na may magalit kapag nabasa nila ang article na ito. Ngunit binoboses ko lamang ang aking opinyon at kung ano sa tingin ko ang nangyayari sa OPM.

Friday, May 25, 2012

Ang Fishball atbp Street Foods na paborito ng mga Pilipino

Sa paglipas ng panahon, ang mga bagay ay nagbabago. Kung may mawala man ay papaltan ito ng bago. Ngunit sa higit na 20 taon na pagiging Filipino, masaabi kong ang fishball ay isa sa mga bagay na hindi nagbago. 

Bata pa lang ako ay paborito ko na ang fishball. Araw-araw, lalabas ako ng bahay at tatawid sa may eskwelahan kung saan may nagtitinda ng paborito konng fishball. Simula noon hanggang ngayon, ang fishball ay nagkakahalaga lamang ng Php 0.50, nagmahal na ang lahat ng bilihin sa merkado ngunit ang fishball ay nananatili pading mura at masarap. 

Bukod sa fishball, marami pang ibang street foods ang pwedeng mabili. Nariyan ang kikiam, kwek-kwek, ang squidballs, bato-bato, isaw at marami pang iba. Maraming mga dahilan kaya patok ang mga street foods na ito sa ating mga Filipino. Unang-una, mura ito. Sa halagang 5 piso, may 10 fishball ka na. O kaya naman ay 5 kikiam, o 2 squidball. Pangalawa ay hindi mo na kailangan pumila ng matagal para makakain. Sa bawat kalye ay may kariton ng street food. Kumuha ka lang ng stick, tuhugin ang mga paborito mong street food, isawsaw sa paborito mong sawsawan, magbayad kay manong at pwede ka nang kumain at magpakabusog. 

Ngunit bilang babala, hayaan niyo na sabihin ko na kahit na masarap at mura ang mga paborito nyiong street food, minsan ay hindi tayo makakasiguro sa kalidad nito. Dahil ang mga ito ay tinitinda sa mga kalsada at mga kalye kung kaya't ang mga ito ay hindi ligtas sa polusyon. Kaya kung hindi matibay ang sikmura mo, ay magpakasiguro ka na lamang at huwag ng kumain ng mga street foods kahit gaano pa man kasarap ang mga ito.

Thursday, May 24, 2012

Si Jessica Sanchez at ang Pagkilatis sa kanyang Pagkatalo

Hindi maikakaila na si Jessica Sanchez ay isang matinding talento na binagyo ang entablado ng palabas na "American Idol". Ngunit kahit ang talento ni Jessica ay halos hindi kapani-paniwala para sa kanyang edad ay natalo padin ito sa Grand Finale ng "American Idol". Marahil maraming Filipino ang nagtataka kung bakit natalo ang pambato ng bayan dahil unang una, kitang-kita na mas magaling si Jessica kesa sa kanyang kalaban na si Philip. Pangalawa, sa 3 kanta na kinanta ni Jessica, 2 ang napiling panalo ng mga hurado kung kaya't 1 na lamang ang natira kay Philip. Kung iisipin, panalong-panalo na dapat ang ating pambato. Ngunit ano ang dahilan kung bakit natalo si Jessica? 

Maraming pwedeng sabihing dahilan kung bakit natalo si Jessica Sanchez. Ngunit kung titinang mabuti, ang titulo ng programa ay "American Idol". Sa unang bigkas o tingin parang wala lang ito. Ngunit kung susuriing mabuti, malaking bagay ang nagagawa ng titulo ng programa sa resultang nangyari. Unang una, ang programa ay nakabase sa Amerika kung kaya't karamihan ng maaaring bumoto ay Amerikano. 

Sa kalagitnaan pa lamang ng kompetisyon ay kitang-kita na ang epekto nito sa programa. Muntik nang maalis si Jessica sa kompetisyon dahil sa kakulangan sa boto. Sadyang mapalad si Jessica dahil ginamit ng mga hurado ang natatanging "Save" na pwede lang  gawin isang beses kada season. Noong panahon pa lang iyon ay nakita na ng mga Amerikano na si Jessica ay isang 'threat' para sa kanila. Para sa mga Amerikano, ang isang Filipino-Mexican na si Jessica Sanchez ay hindi dapat manalo dahil hindi naman ito totoong "Amerikano".

Kahit pa sabihing buong mundo ang pagboto, at maraming Pilipino ang boboto, marami rin ang mga tinatawag na "fangirls" sa buong mundo. Panigurado ang mga fangirls na ito ang nagpaangat sa boto ni Philip.

Ang huling bagay na ikinatalo ni Jessica ay dahil ang 'genre' ng kanyang kanta ay wala sa uso ngayon samantalang ang kay Philip naman ay masasabing tradisyonal na sa Amerika.

Ngunit sa huli, para sa ating mga Pilipino, si Jessica padin ang panalo, si Jessica padin ang idol. Siya ang ating 'Pinoy Idol'.

Gawin Mong Filipino!

Gawang Filipino o Hindi?

Saan lupalop ka makakakita ng ganitong bagay? Kung saan si Batman at ang isang Avatar ay parte na ng grupo na tinatawag na "The Avengers"? Si Spider Man, sa ngayon ay hindi pa din parte ng grupo kaya ang sando na ito ay nagbibigay sakin ng halong katatawanan at kalungkutan. Dahil ang mga sandong ganito ay makikita mo sa Pilipinas. Hindi ako sigurado kung dito lang sa Pilipinas may ganito ngunit nakakasigurado ako na may mga Pilipinong kinukonsinte ang ganitong ideya. Hindi sa pagmamasama sa aking sariling lahi ngunit hindi ito tama. Isipin niyo na lang kapag isinuot ng isang bata ang ganitong sando, pagtatawanan siya ng kanyang mga kalaro dahil wala naman si Batman at ang isang Avatar sa "The Avengers".  

Kung ganito ang mangyayari sa mga sando, maaring balang araw magkaroon na ng pelikulang tinatawag na "The Bavetar". Ganoon ka-corny ang sandong iyon.

Monday, May 21, 2012


Nakakatuwa talaga balikan ang kabataan. Ang listahan sa taas ay ilan lamang sa mga bagay na ginagawa ng batang Filipino. Naalala ko tuloy nung bata pa ako, napakadaming kabalbalan ang ginawa ko. Kayo ba? Kung may naisip pa kayong iba, ikomento niyo na!

Ang Jeepney atbp. pinakasikat na pampublikong sasakyan sa Pilipinas

Sa hirap ng buhay ngayon dito sa Pilipinas, ang mga pampublikong sasakyan (PUV o Public Utility Vehicles) ay hindi na mawawala sa mga mamamayang Filipino. Ang ilan sa mga pampublikong sasakyan na ito ay may mga negatibong epekto sa buhay ng tao lalo na sa kalusugan. Ngunit patuloy padin na sumasakay ang mga mamamayang Pilipino sa mga sasakyang ito. Bago ko sabihin ang mga dahilan kung bakit patuloy na sumasakay ang mga Pilipino sa mga pampublikong sasakyang ito ay ibabahagi ko muna ang iba pang pampublikong sasakyan sa Pilipinas.

1. Pedicab
Magsimula tayo sa pinaka-maliit. Ang pedicab o "padyak" ay isang uri ng pampublikong sasakyan kung saan ang bisikleta ay nilagyan ng tinatawag na sidecar sa ingles. Ang mga sidecar na ito ay nilagyan naman ng mga trapal na bubong upang maprotektahan ang pasahero sa ulan. Ang karamihan sa mga pedicab ay makikita sa Maynila. Para makasakay sa isang pedicab ay kailangang makipag-negosasyon muna ang sasakay sa drayber ng pedicab. Ang halaga ng pagsakay sa pedicab ay dumedepende kung ilan ang sasakay at kung gaano kabigat ang mga dala-dalahan nito. Makakasakay ang isang tao sa pedicab sa halangang PHP50.

2. Tricycle
Ang tricycle ay halos kaparehas lamang ng pedicab. Ang tanging pagkaka-iba lang nito sa pedicab ay ang gamit nito para umandar ay hindi bisikleta kundi motor na napapaandar ng gasolina. Ang ideya ng tricycle ay nagmula pa noon sa panahon ng giyera. Makakamura ang isang tao sa pagsakay sa tricycle kaysa sa pedicab. Makakasakay ang isang tao sa tricycle sa halagang PHP10 lamang. Ang mga tricycle na ito ay makikita kung saan man may mga bayan at maliliit na siyudad. 




3. Jeepney

Ang jeepney ay isang produkto din ng giyera. Ginagamit ito ng mga hukbo para sa transportasyong pang-lupa ng kanilang mga sundalo. Sa panahon ngayon, ang mga jeepney ay makikita sa lahat ng sulok ng bansa (pwera na lamang kung ikay ay nasa Visayas kung saan mas madami ang tubig kaysa sa lupa). Masasabing ang jeepney ang pinakasikat na pampublikong sasakyan sa bansa. Makakasakay ang isang tao sa jeep sa halagang PHP8 (Minimum Fare).

Ngunit

Totoo na ang mga sasakyang ito lalo na ang mga tricycle at pedicab, ay importante sa buhay ng mga mamamayang Pilipino. Halimbawa, kung malapit lang naman ang pupuntahan ng isang tao, maari na lang siyang mag-tricycle at hindi na gamitin ang kanyang kotse. Ngunit, katulad ng sinabi ko sa  aking unang talata, mayroong mga negatibong epekto ang mga sasakyang ito. 

Unang-una ito ay maaaring makapag-palaganap ng katamaran. Dahil imbis na maglakad ang isang tao ay magta-tricycle na lamang ito. Ang hindi alam ng nakararami ay ang paglalakad ay mabisang uri ng ehersisyo. 

Ikalawa, ang mga pampublikong sasakyang ito ay bukas. Walang pinto o anumang bagay na pangharang. Kung kaya't maaaring malanghap ng mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan ang iba't ibang klase ng polusyon sa mga kalsada.

Konklusyon

Maraming mga negatibong epekto sa buhay ng tao ang mga tinaguriang "pinakasikat" na mga pampublikong sasakyan sa Pilipinas. Ngunit walang magawa ang mga mamamayang Pilipino kundi sumakay dahil sa hirap ng buhay ngayon, lahat ng paraan ay gagawin ng isang Filipino para lamang makatipid.


Introduksyon

Filipino ka ba?

Paano mo masasabi na ikaw ay isang Totoong Filipino

Filipino ka ba dahil ang iyong unang wika ay Tagalog? 
Filipino ka ba dahil ang kulay ng iyong balat ay kayumanggi? 
Filipino ka ba dahil magaling kang makitungo sa iba?

Maraming dahilan para tawagin ang isang tao na Filipino.

Sa panahon ngayon sa Pilipinas, madaming mga bagay ang kapuna-puna. Ang blog na ito ay ginawa para magbigay katuwaan lamang. Ang mga bagay na mga nakapaskil at ipapaskil dito ay mga opinyon lamang ng isang tao. Kayo na ang bahala kung paano niyo tatanggapin ang mga bagay na nandito.